Archive for January 2008

You’re Invited

January 31, 2008

Guys! May kainan sa bahay tomorrow. Punta kayo! Madali lang naman rides papunta dito. Sakay lang kayo ng tatlong bus, dalawang jeep at isang traysikel. Pahatid kayo sa may ilog and if makakita kayo ng kweba, daan kayo don para shortcut then diretso lang. Pagdating nyo sa unang eskinita liko kayo sa right then left then right ulit. Then you’ll see a rusty gate. Hindi yon ah! Ang hirap nyan may maliit na bundok na dapat nyong akyatin. Sa ikatlong bundok may bahay.  Look for my lola kasi siya ang maghahatid sa inyo sa amin. Okay? Iniexpect ko kayo! Tenks! 😆

Sick and Tired of Sickness

January 29, 2008

Medyo mahina na rin pala immune system ko. Madalas na kasi akong magkasakit ngayon. Apektado rin ako ng pabago-bagong klima na dulot ng global warming.ahehe 😆 Inatake pa lang ako ng trangkaso no’ng December pero heto at humirit na naman ang sipon at OA na ubo. Sumusobra na ang mga sakit na to ah! Pinagbigyan ko na nga minsan eh namihasa naman. Di na tama to! I’m sick and tired of being sick! Pootcha! Makainom na nga ng lason at nang matepok na ang mga pahirap na virus na to. Watch out mga kadiring viruses, matitikman nyo na ang aking paghihiganti. 😎 Ewan ko lang kung di nyo pagsisihan ang pagdapo nyo sa kin! Makainom na nga ng Vitamin Beer. 😆

Alam kong di ko naman ikaka-dedo to pero nakakainis din minsan. Ayoko kasing panay ang punas ko sa tumutulong sipon. Halos ako na nga siguro ang nakakaubos ng tissue sa office. Napadalas na rin ang hingi ko ng Neozep sa admin. sheet! Pati ba naman sa pagtulog eh di pa rin ako tinatantanan ng sipon. Dahil nga barado sinuses ko, nandon yong mapaluha ako habang nakahiga. Yong tipong sa mga teleserye at drama anthology lang napapanood. Kaya ko rin palang gawin yon pag may sipon. 😎 Nakakapagod ding matulog nang nakanganga na para bang si Pedro Penduko na naghihintay na mahulog ang mutya sa bunganga nya. Ayan, from drama to adbentyur na to! Nakakatakot din kasi baka matakpan ng unan ang bunganga ko habang tulog ako. Baka matapos agad ang career ko non. Naks, parang si Heath Ledger. 😆 From local showbiz to Hollywood kaek-ekan na rin siguro.

Pahirapan na rin ngayong bumili ng Neozep. Nong Sabado, tatlong tindahan napagtanungan ko. Wala na daw silang Neozep. Tumaas na rin pala ang demand kaya kinapos ang supply. O, pati pala Economics. Nakailang gamot na rin ako kaya medyo nakaka-inhale at exhale na ang malalaking butas ng ilong ko.  

Napansin raw ng officemates ko na naging tahimik ako this week. Naninibago raw sila sa kin. Para kasi akong pipi na di nagsasalita. Di naman ako madaldal pero madalas akong makipagkulitan sa kanila. Sumasama naman ako sa kanila pag break pero nakikinig lang ako sa kulitan nila. Parang ang lalim ng iniisip ko pero ang totoo eh wala naman. Tamang senti lang naman ng taong walang pera.

Pasensya na kayo mga giliw kong kaibigan at kaharutan. Ganito lang talaga ako pag may sipon. Nagko-concentrate akong huminga. Ayoko ring mahawaan ang isa man sa inyo. Ganon ko kayo kamahal. charotz! 😆 Mas nanaisin ko pang solohin ang sakit kesa sa makita kayong naghihirap. Baka sabihin nyo na naman na ako ay isang “incubus of viral plague”.

Kwentong Kandila

January 25, 2008

love_in_the_dark.jpg 

MGA TAUHAN:

LANDO – asawa ni Lumen na nagtatrabaho sa construction site sa Makati. Part-time balot vendor sa gabi. May kalakihan ang tiyan dahil sa kaiinom sa kanto.

LUMEN – asawa ni Lando na official labandera ng isang mayamang pamilya sa Alabang. Syempre pa, Surf lang daw ang ginagamit nya. Madalas ding tumambay sa labas at makipagchismisan sa mga kumare habang nagkukutuhan.

TAGA-MERALCO – patpating lalake na napapanot na ang noo. Mabibilang na siguro ng kamay ang puting buhok sa ulo. Madalas tumambay sa mga kalye at magbilang ng poste.

EMPLEYADA – Mahaba ang buhok na pinarebond pa lang. Di naman kagandahan pero mapagtatiyagaan. Nakasuot ng uniform na kita ang cleavage.   

TAGPO:

Alas-otso na ng gabi. Medyo madilim na ang Basag-Ulo St. sa Payatas at nabalot na ng masangsang na amoy ang Barangay Sunog-Baga. Nagkalat na ang mga rugby boys sa kalsada habang ang iba ay abala sa pagtutulak ng shabu. Marami ring kalapating mababa ang lipad na naglipana sa daan. Pulang-pula ang mga nguso at kinapos sa tela ang suot na mga damit. Kalalabas pa lang ni Lando galing sa trabaho. Mukhang naligo sa putikan at tumatagaktak ang pawis sa noo. Umuusok ang bunganga dahil sa paghithit ng isang stick ng Winston na binili sa tindahan ni Mang Tukmol.  Si Lumen naman eh busy sa panonood niya ng paboritong teleserye na may nagsasayaw na babae sa OBB. Abala din sa pagbubunot ng kumakapal na buhok sa kili-kili.

Pagdating ni Lando sa bahay…

LUMEN: (abot-tenga ang ngiti)  “Swithart, delayed ako ng isang buwan. Kagagaling ko lang sa doktor. Pero ‘wag mong sabihin kahit kanino baka mapahiya lang ako ‘pag di nagkatotoo.”

 Kinaumagahan…may dumating na taga-Meralco.

TAGA-MERALCO: “Ale, delayed ho kayo ng isang buwan. ”

LUMEN: “Kanino mo nalaman?” (sabay dilat ng mata at kunot ng noo)

TAGA-MERALCO: “Nandito nakasulat sa records namin.”

 LUMEN: “Talaga? Nakasulat sa records nyo?”

Sumunod na araw…sumugod sa Meralco si Lando na galit na galit.

LANDO: “Pano nyo nalaman na delayed ng isang buwan ang misis ko?”

EMPLEYADA: “Konting pasensya lang. Kung gusto niyong mawala sa records namin to, magbayad na lang kayo.” (napailing na lang to the left and to the right)

LANDO: “Eh kung ayokong magbayad?”

EMPLEYADA: “Puputulan ho kayo!”

LANDO: (tumingin sa kanyang ibaba at napailing) “Kung pupulutan ako, eh anong gagamitin ng misis ko?”

EMPLEYADA: “Pwede naman siyang gumamit ng kandila, di ba?”

Tuliro si Lando sa pinag-usapan nila ng empleyada…

Dahil matagal-tagal pa ang sahod ni Lando at di rin nakabale sa amo si Lumen, di nila nabayaran ang electric bill. Naputulan sila ng kuryente kinabukasan. Wala silang nagawa kundi gumamit lang muna ng kandila. Nag-enjoy naman sila kahit medyo madilim sa loob ng kanilang barong-barong. Masaya sila sa kanilang candle-lit dinner at malambing silang nagsubuan ng sardinas at noodles na madalas nilang ulam.  Dahil nga sa sweetness ng dalawa ay para silang lalanggamin. Di lang basta langgam kundi yong hantek na kung makakagat eh halos makatuklap ng balat.

Di talaga nasusukat sa liwanag at dilim ang pagmamahalan. Kahit na ano pang gamit nila, kandila man o bumbilya, ang mahalaga eh lalong tumitibay ang kanilang pagsasama. 😆 Lalo pa ngang naging romantic ang kanilang mga gabi. Pagkatapos kumain, binuhat ni Lando ang asawa at inihiga sa butas-butas na banig na nakalatag sa sahig. Masaya nilang pinagsaluhan ang gabi sa liwanag ng nauupos na kandila. 

  

Kwento sa mga Photo (Sinulog Scenes from da Behind)

January 23, 2008

Last week ipinost ko ang “Kabarkada, Sinulog Na”. ‘Yon po eh patikim pa lang kung ano talaga ang mangyayari sa January 20. Kaya eto na ang pinakaabangan (as if may nag-aabang) nyong sequel. Eto na po talaga ang main event ng Sinulog 2008.

Syempre di nagpahuli ang ultimate katambay nyo kaya go agad ako sa kalye at nanood ng Sinulog Grand Parade. Nakow, punong-puno ang buong Cebu City. Nakakapanlumong tingnan ang kalsada.  Kahit na siguro sina Mahal at Mura eh di basta-basta makakasingit sa dami ng tao. Kalahating oras din siguro akong naglakad bago makarating sa street kung saan dumadaan ang contingents. Di biro ang mga pinagdaanan ko para lang ma-cover ang event na ‘to para sa inyo.LOL.

Ilang beses din akong nagpalipat-lipat ng pwesto. Ang dami kasing pasaway na tawid ng tawid sa kalsada. Maraming beses ding naaararo ang betlogs ko kaya lumipat na lang sa ibang pwesto. Dinala ako ng mga paa ko sa Fuente Osmeña. Don na talaga tumambay hanggang matapos ang parade. Kung may nagbabasa man ng blog ko, ginawa ko po yon para lang maibigay sa inyo mga giliw na mambabasa ang iba’t-ibang anggulo pictures. Pilit akong naghanap ng magagandang subjects at bumuo ng framing at composition na magugustuhan nyo. Kung magsalita ako para na akong professional photographer. Pagbigyan nyo na ko mga katambay.

Inulan ang parade pero di pa rin nagpatinag ang mga tao. Kasama na ko don. Nagtiis ako sa ilalim ng payong ng katabi ko. Kahit basa na ang likod ko eh, stay put pa rin ang katambay nyo. Naalala ko tuloy yong nangyaring standoff nong November 29. Kahit tineargas na eh, di pa rin nagpapigil ang mga reporter.

Para din pala to sa mga di nakatambay sa Sinulog. Kahit man lang sa pictures eh makita nyo kung sino ang “in” o “out” at “astig” o “nginig” sa Sinulog parade. Kayo na ang bahalang humusga. Sa pictures na to eh makikita nyo ang behind the scenes at ang mga kwento sa photo. Ipinagmamalaki ko pong ihandog sa inyo ang aking mga obra sa walong oras kong pakikitambay sa Sinulog.

dsc00082.jpg

A VIEW FROM THE TOP. Tingnan nyo ang isa to. Di nakuntento at umakyat pa sa puno. Gusto pa nga sigurong sumakay sa helicopter na nagha-hover sa taas.

 dsc00084.jpg

ELVIS IS NOT DEAD. Di kayo namamalik-mata. Eto po ay isang Elvis Presley wanna-be with matching patilya and Rock en Roll costume.

dsc00101.jpg

KAMATAYAN, IKAW BA YAN? Magtago na kayo! Nandito na ang ang uninvited guest. Baka ang mga pasaway sa parade ang isasama nito. Safe pala ako…

dsc00114.jpg

THE DARK IS RISING. Eto po ang isang umepal sa parade. Parang maghahasik ng lagim. Nakakatakot tingnan pero sayaw lang ang trip nyan.

dsc00115.jpg

MERMAID ON LAND. Biruin nyo pati sirena (sirena as in “mermaid” not sirena as in “siren”) eh umahon sa dagat at nakitambay sa lupa. At the end of the day bilasa to for sure…

dsc00119.jpg

OH-STRETCH! Ang lupeet ng isang to. Pati ostrich eh di pinatawad at ginawa pang service.  Parang totoo no?

dsc00122.jpg

TARZAN INVADES THE CITY. Hanep ah, di rin nagpahuli si Tarzan pero di niya kasama si Jane. Higanteng elepante po ang kasama nyang nakiparada.

 dsc00127.jpg

MONKEY BUSINESS. Ang cute ng unggoy na nakasakay sa puno ng saging. Sobrang takaw nga lang kasi kahit nagkakamot eh kumakain pa rin. Mabulunan ka sama!

dsc00095.jpg

LOOK, I’M FLYING! Naka-drugs kaya to? Gusto sigurong mag-take off. Ginawa pang runway ang kalsada.

dsc00099.jpg

BOXED BOXER. Bat kayo nakatingin sa kin ha? Suntukan na lang tayo. Kahit tawagin nyo pa si Pacquiao wala kayong binatbat sa costume ko.

dsc00088.jpg

ENCOUNTER WITH A TRANSFORMER. At last nakakita na rin ako ng transformer in person, este in robot pala. Sino kaya gumawa nito. You’ll find out soon…

dsc00120.jpg

DOLPHIN SHOW. Dolphin…dolphin kayo dyan! Akala ko may dolphin show. Binebenta pala nila.

dsc00118.jpg

MONSTERS, INC. Waaahhh…eto na kapatid ni Godzilla. Mga bata magtago kayo. Bilis!

dsc00090.jpg

DA MAKER OF BUMBLE BEE. Eto na si Kuya Pikoy, ang creator ni Bumble Bee. Sya lang naman po ang nanalo. Galing! Balato ko ha! Tenks sa libreng snack! We’re proud of you! hehe 😆

dsc00081.jpg

HOMEBOUND. Daddy uwi na tayo. Nakakapagod na eh. Usungin mo nga ko.

dsc00075.jpg

dsc00077.jpg

Kabarkada, Sinulog Na!

January 17, 2008

sinulog3.jpg

THE SHOW IS ON. Eksena bago umulan.

sinulog1.jpg

INTRUDER. Nakitambay ako! Yahhhoooo….

sinulog2.jpg 

 HATAW NA. Da show must go on! Rain or shine to…

Malapit-lapit na pala ang Sinulog. First time ko ‘tong maki-Sinulog kasi ‘di na ko nakaabot last year. February na kasi nang mapadpad ako dito sa Cebu. Ilang araw na lang pala eh makiki-Pit Senyor na ang lolo n’yo. Last week nga lang eh sumugod pala ako sa Abellana Sports Complex para manood ng Sinulog ng Kabataan sa Lalawigan ’08. Iniwan ko lang munang nakababad ang labahan at naki-join sa Sinulog ng mga bagets.

‘Di ko alam kung saan ‘yong Abellana. Malapit daw sa CNU (Cebu Normal University) kaya sa tapat ako ng CNU bumaba. Nasa likod pa pala ng main gate ang sports complex kaya sumabay na lang ako sa mga taong naglalakad kahit ‘di ko alam kung saan sila papunta. Buti na lang manonood din pala ang mga pipol na ‘yon. Nagsimula na ang event pagdating ko. Puno na ang mga bleachers. ‘Ika nga eh, di mahulugang karayom. ‘Di rin nagpahuli ang mga Kano at iba pang mga foreigner. Ocean of faces ‘ika nga at different races. Heto nga at naglipana na ang mga terorista (este turista pala).’Di na ako umupo kasi mas okay ang view sa malapitan. Makikita ko pa kung sino ang papalpak kung sakali.LOL.

Pagkatapos ng mahabang ka-echusan eh nagsimula na rin ang much-awaited event. Makikita mo agad ang colorful costumes ng mga kasali. Para ngang nagkaroon ng rainbow sa lupa.LOL. Nag-enjoy ako sa panonood sa mga bata. Nakakabilib talaga ang mga moves at performance level ang mga tiyanak. Ilang dangkal pa lang eh hanep na kung sumayaw. Napa-wow ako kasi ‘di madaling turuan ang mga bata. Baka atakihin ka na sa puso eh ‘di pa rin makaka-pick up. Ilang buwan kaya nila prinaktis ‘yon.

‘Di nagtagal eh umulan. ‘Di naman kalakasan pero enough to make you step back and run for cover. Dahil nga basa na ang stage, sa track na lang ng oval tinuloy ang performance ng high school category. Marami na rin kasing nadulas at lumagapak sa stage. Syempre dapat poised pa rin kaya smile to do the max despite of the embarrassment. Okay lang ‘yon kasi mas masaya talaga pag may bloopers. Nag-enjoy rin ako sa facial expressions ng mga nagsasayaw. Merong naiiyak habang nagsasayaw. ‘Yong iba naman eh abot-tenga ang tawa. Meron ding hingal na hingal na parang ilang kilometro ang tinakbo. Dahil nga umulan, puno ng putik ang costumes ng mga nagsasayaw. Pati nga make up eh nalusaw at halos wala nang matira. Sabi nga nila, the show must go on kaya todo project pa rin sila.

Halos limang oras ang itinagal ng event. Kaya nga nangawit mga paa sa katatayo. Napakaraming tao. Mas marami pa siguro kesa sa pumunta sa Manila Pen nang magrebelde si Trillanes.LOL. Kahit saan ka tumingin eh may makikita kang tao (regardless sa hitsura ng iba). jowk onli!

Nag-enjoy naman ang lolo n’yo. I was entertained, kumbaga. Medyo sulit naman ang binayad kong P30 para makapasok. Nang matapos eh nag-unahang lumabas sa venue ang mga pipol. Para bang nga langgam na nabulabog nang maapakan ang lungga nila. Pero masaya naman  kasi naki-join ako sa mga pipol na ‘yon sa pag-honor kay Sto. Niño.

Kaya mga katambay, gumala na sa kalye at manood ng Sinulog sa January 20. Kita-kits tayo ha! Sigurado magi-enjoy kayo. Pramis…

Introducing: Da WASALAKs

January 15, 2008

 CAMRONGRACEcle.jpg

Nakaka-miss na ang mga WASALAKs. Medyo matagal na rin kasi kaming ‘di nagkikita-kita. Last year pa nang umuwi sila sa probinsya. Tuwing fiesta lang kasi sa ‘min nag-uuwian ang mga tao galing sa Manila zooCAMRONCAMRONo. Sila ‘yong mga kababata ko na nasa Caloocan. ‘Yong iba naman eh nasa Crame. Ginawa na siguro nilang kuta at tambayan ang Crame at pinaalis ang mga pulis. 

Dahil nga minsan lang sa isang taon kami mag-reunion, sinusulit namin ang bawat araw. Halos isang araw lang siguro ang rest day at lasingan na naman. Kariresign ko pa lang  bilang callboy, este call center boy pala, no’ng May kaya nakauwi ako sa Leyte. Actually, nag-AWOL ako.hehe. Nakauwi rin ako at nag-reunion ang mga WASALAKs. In case you don’t know what WASALAK stands for, Walang Sawa sa Alak ang ibig sabihin n’yan. Naku, talagang babaha ng alak ‘pag mag-volt in ang mga ‘to. Exag na yata ‘to masyado. Advice ko lang, ‘don’t forget to take LiverAide. ‘Ayan nag-promote pa ‘ko. Libreng advertising na ‘to.LOL

‘Di ko na patatagalin pa. Ipinagmamalaki ko pong ipakilala sa inyo ang aking mga katropa, kainuman, at katambay, Da WASALAKs…Palakpakan naman d’yan. Heto na ang mga sikat pagdating sa inuman.

NAME: Camron (far left)

Made in Australia but born in Pinas. Panalo ‘to sa sayawan. Kami na nga lang ang nagpapakalayo-layo at baka mapa-trouble pa sa dance showdown.  Pero drag racing na raw ang trip n’ya ngayon. Muntik na ngang manghiram ng mukha sa aso nang mag-crash.LOL

STRENGTHS: Eto ang taong ‘di nakakatulog ‘pag di nakakainom ng lason sa atay. ‘Di madaling mapatumba ‘to. Halos mag-umaga na eh dilat pa rin ang mga mata ng kuwagong ‘to. Kung uminom ‘to parang nililimugmog lang ang Empy.  

WEAKNESSES: Mababaliw yata ‘to ‘pag di makatungga ng beer o kahit anong nakakalasing. Pero ‘wag ka, nagwawala ang gago ‘pag may amats na. Maghanda na lang ng mga barangay tanod.HEHE

NAME: Grace (middle)

Pareho kaming pinagkaitan ng height. Naghihilik siguro kami ng mamigay ng height si God. Maganda naman daw siya sabi ng ermat n’ya.  ‘Yon na nga siguro ang saving “Grace” n’ya.

STRENGTHS: Eto na siguro ang pinakamalupit na payat na babae sa balat ng lupa. Sa liit ng katawan ng babaeng na ‘to eh nakukuha pang uminom ny Empy. BEWARE. Maamong tingnan na parang ‘di makabasag pinggan pero ‘pag tinopak ‘yan, nagiging playgirl sa hatinggabi. LOL

WEAKNESSES: ‘Di na siguro tataba ‘to. Kahit na siguro ubusin n’ya ang laman ng CENTRUM o CLUSIVOL. ‘Di rin pala epektib na pampurga ang alak . Tingnan n’yo na lang ang ebidens.LOL

NAME: Clefford (far right)

Obviously, kalahating tao’t kalahating kapre po ‘to. Este, kalahating African pala. Made in Tate but born in da Pilipins. Kaklase ko ‘to no’ng Grade 5 na madalas mangopya.LOL 

STRENGTHS: Ang kapreng ‘to ang umuubos ng beer, Tanduay, Empy atbp sa tindahan nila Nanay Azon. Galante naman ang isang ‘to. ‘Di kuripot at madalas na sponsor ng inuman. Siguro gising ‘to nang mamigay ng height si God. Kinuha n’ya siguro ‘yong para sa ‘min ni Grace.

WEAKNESSES: Magkakasakit siguro ‘to ‘pag nabitin sa inuman. O ‘di kaya eh magwawala sa bahay nila at babasagin ang appliances. Kaya naman sermon lagi ang abot sa ermat n’yang nasa Land of Kangaroos. ‘Di lang ‘yan. Konting trivia lang, naglaslas na po ‘to pero nagpapansin lang. Mukhang matino pero hindi. Suicidal pala ang emote ng lintyak. Buti na lang ‘di natuluyan.LOL

Actually, marami pa sila. ‘Di ko lang mahagilap ang picture ng iba. Pasalamat kayo at ‘di kayo masisindak. Hehe. Kelan kaya ulit kami makakapag-bonding ng mga kumag na ‘to. Siguro lasingan moment na naman  ‘yon. Drink ’til you drop. Sana magustuhan n’yo ‘tong tribute na ‘to. Para sa inyo ‘to!LOL

PAALALA: Kung sakaling makita n’yo ang mga taong ‘to, tumawag lamang po sa pinakamalapit na police station at sabihing…”Wala lang.”

Nagtanong Ka Pa

January 15, 2008

Ewan ko ba kung ba’t may mga taong nagtatanong pa kahit obvious na masyado ang sagot. Sabi nga nila, isa ‘to sa mga natatanging katangian ng mga Noypi. Okay, sabihin na nating gan’on na nga ‘yon. In other words, ang iba sa atin ay engots o ‘di kaya ay tinatamad lang mag-isip bago magtanong. Baka kasi mapagod pa utak nila at mag-nervous breakdown.

Lately, naging biktima ako ng ganitong klaseng mga tao. ‘Di naman ako galit sa mga pipol na ‘to pero ‘do ko lang maiwasang mapikon. Kayo ba naman ang tanungin ng walang-kwentang katanungan kung ‘di kayo madismaya.
Chapter 1: CASHIER IN TROUBLE

Pumunta ako sa mall kagabi pagkalabas sa office. Tumungin-tingin ng mga sapatos na can afford kong bilhin. Medyo may kalumaan na kasi ang sapatos ng lolo n’yo. Baka ilang araw na lang itagal kaya kailangang bumili o ‘di kaya eh magnakaw para sa replacement. Baka kasi habang naglalakad ako eh matuklap ang swelas at pagtawanan pa ‘ko ng ‘sangkaterbang socialites-in-the-making.

Pagkatapos ng mahabang fit to foot, nakapili rin ako ng makakaya ng butas kong bulsa. Kaya ayon, pila agad ako sa counter. Nakaharap ko agad ang cashier na namumula ang mukha. Ewan ko ba kung nagba-blush lang ‘yon o nasobrahan sa make up. Dahil sa one thou plus ang presyo ng shoes, I gave her one five. Biglang umasim ang mukha ng cashier. Sabay tanong, “Sir, wala kang P100?” Parang nagpapatawa ‘to ah. Eh di P1,100 lang sana ang inabot ko sa kanya kung meron. Hindi ko naman ugaling magpasikat dahil hindi naman talaga ako much money. Minsan nga lang magkalaman ang wallet ko. Ano kaya problema no’n? Wala na silang panukli o ayaw n’ya lang magbilang?

Chapter 2: DRIVES ME CRAZY

Kanina lang eh sumakay ako ng jeep. ‘Di na nakakashock ‘yon kasi araw-araw naman talaga akong bumibiyahe. Nagmamadali ako kasi baka ma-late na naman. Bawas P100 na naman sa sweldo ‘pag nagkataon. Medyo puno na ang jeep at siksikan na ang mga pasahero. Afraid to get another late this month, sumakay na lang ako.

Malapit na ‘kong bumaba kaya kailangan ko ng sabihin ang “Palihug” at iabot ang ten-peso coin. Tinanggal ko muna ang earphone na nakasakak sa mga tenga ko kasi baka magtanong ang driver kung saan ako bababa. Pagkatapos kong sumagot, binalik ko na earphone. Dahil enjoy na enjoy sa sound trip ang lolo n’yo, ‘di ko namalayan na nagtanong pala ulit ang driver. Namalayan ko lang nang kalabitin ako ng katabi ko.

Sa expression ng mukha ni manong driver eh parang galit na hindi ko siya nasagot agad. Kasalanan ko ba? Eh ‘di naman n’ya inubos agad ang tanong n’ya. And I expect matatandaan n’ya kung saan sumakay ang mga valued passangers n’ya. Gano’n na ba karami ang sumakay sa karag-karag n’yang jeep kaya na-mental block s’ya? Oh baka naman nakalimutan n’ya kasi busy s’ya sa pakikipagchikahan sa kung sino man ang nasa front seat.